Archive for ‘Personal’

17 May 2012

Subukang Tandaan ang mga Panahon ng Pagmamahal

 

Sa huling buwan bago ang pasukan, habang may panahon din para magnilay, meron akong proposal. Subukan nating tandaan ang mga panahon na nakaramdam tayo ng matindi o labis na pagmamahal. Ito ay maaaring galing sa ating tatay, anak, ate, kuya, girlfriend or boyfriend.

Bakit ito ang aking proposal? Kadalasang nauubos ang ating enerhiya sa iba’t ibang dahilan. Maraming pagod na sa pagtatrabaho; may mga mahina na ang kalooban pagkatapos dumaan sa mga pagsubok; at may iba ding wala nang gana sa buhay. At mas marami pang taong hungkag ang kalooban. Nawala na ang saysay sa buhay.

Sa pagkakataong ito, bubusugin natin ang ating kalooban ng mga alaalang hindi tayo nag-iisa; na may mga taong labis magmahal sa atin, lalo na ang Panginoon. Pakinggan natin siyang nagsasabi sa atin: “Mahil kita, ika’y mahalaga sa ‘king mga mata. Hindi kita iiwan kailanman. Huwag kang mangamba, magtiwala ka sa akin.”

30 March 2012

Pagnilayan Natin ang Daan ng Krus

Image

 

Alam niyo ba kung saan nagsimula ang Daan ng Krus na ginagawa natin tuwing Mahal na Araw? Nagsimula ang daan ng krus bilang isang peregrinasyon o pilgrimage. Naglalakbay tungo sa Jerusalem ang mga taong may mabigat na dinadala, penitensiya o debosyong kailangang gampanan, o mga may espesyal na hinahangad sa Maykapal. Naniniwala silang may biyayang ipinagkakaloob ang Diyos sa mga sumusunod sa Kanyang yapak tungo sa kanyang pagpapakasakit at kamatayan.

 

Hindi lahat ay nakapupunta sa Jerusalem, lalo na ang mga mahihirap. Ngunit malaki ang naitutulong nito sa mga naglalakbay. Nabubuo nila ang isang komunidad ng mga kapwa-manlalakbay at dahil dito, lalong naaalagaan nila ang kanilang mga kasamahan hanggang makarating sa “Via Dolorosa” o Daan ng Kapighatian, ang daan tungo sa Kalbaryo. At dito umusbong ang ginagawa natin ngayon.

 

Dahil dito, ang sinumang hindi makapupunta sa Jerusalem ay maaaring maglakbay pa rin sa pamamagitan ng imahinasyon. Bagaman hindi nagagawa ang tunay, natatanggap pa rin natin ang mga biyayang dulot nito. Ipagdasal natin na hindi lamang gawing mekanikal ang daan ng krus, kundi taimtim na mapagnilayan at maisabuhay ang pagmamalasakit ng ating Poong Hesukristo. Isang makahulugang Semana Santa po sa inyong lahat.

22 March 2012

Bakit Kailangang Magnilaynilay sa Panahon ng Kuwaresma

Image

 

Habang papalapit na ang pagtatapos ng maraming mga estudyante at pagsisimula na ng bakasyon, makatulong nawa ang aking kuwento. Nangyari ito noong mga panahon sa Africa. Dala-dala ang maraming gamit ng mga bagong salta sa misyon, pinabilisan ng mga misyonero ang karwahe.

Pagkatapos ng ilang sandali, huminto nang bigla ang lahat. At ayaw ng mga alipin na magpatuloy. Nagtaka ang mga pari kaya nagtanong sila sa kanila. Bakit hininto ninyo ang lahat? Anong nangyari? Walang sumagot noong una. Hanggang sa lumabas din ang katotohanan: “Pinabilisan namin ang paghakot at pagdala ng mga gamit sa utos po ninyo, hangga’t hindi na mahabol ng aming mga kaluluwa ang aming mga katawan.”

May mga oras bang naghahabol ka ng oras? Mabilis na mabilis ang iyong mga araw, na para bang hindi ka na makapag-isip nang matino; para bang hindi na mahabol ng iyong kaluluwa ang iyong katawan? Kung ganon, ipagdasal natin na magkaroon ng panahong huminto at magnilay sa darating na bakasyon lalu na sa panahon ng Kuwaresma.

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 5,489 other followers