17 August 2010 Martes ng ika-20 Linggo ng Taon
Ezekiel 28, 1-10; RPsalm: Dt 32; Matthew 19, 23-30
Sabi ni Hesus sa Ebanghelio ngayon: “Mahirap pumasok ang isang mayaman sa kaharian ng langit.” Dahil dito, lubhang nagtaka ang mga alagad at nagtanong: “Kung gayon, sino ang makaliligtas?” Sinagot sila ni Hesus, “Sa mga tao, hindi ito maaari; ngunit sa Diyos, ang lahat ay nagagawa.”
Sa Jerusalem, may isang pintuang tao lamang ang makakapasok. Ito ang tinatawag na “People’s Gate” at hindi mo madadala ang kahit anong gamit o hayop. Maaaring gamitin natin ito para ipaliwanag ang Ebanghelio. Maraming damit ang nasusuot ng isang mayaman. Matagal nang nauso ang tinatawag na “layering.” Kapag marami kang nakapatong na damit, tumataba kang tingnan. Hindi ka makakapasok sa “narrow gate” o sa “people’s gate.”
Dahil dito, tunay ngang mahirap iwanan ang mga nasimulan o ang pagtingin ng tao sa kanila. Mahirap hubarin ang mga kasuotan. Nakabatay ang kanilang pagpapahalaga sa sarili sa damit na kanilang sinusuot. Sa gayon, makikipaglaban hanggang kamatayan ang sinumang nagmamay-ari ng kapangyarihan.
Ngunit ang daan ng kaharian ng Diyos ay simple lamang. Walang komplikasyon. Di kailangan ang ating mga “damit” — ang ating tunay na sarili lamang ang kailangan. At dahil dito kailangang hubarin at iwanan ang anumang pinagyayabang natin. Sa kabilang banda, meron ba tayong maipagyayabang? Lahat ay galing sa Diyos; walang ibang pinanggagalingan ang ating mga kakayahan kundi sa Kanya lamang.
At dahil dito, unti-unti ang ating pagtatanggal ng ating mga pinagyayabangan. Kailangan ang mahabang proseso upang makita ang tunay nating sarili. Tutulungan ka ng sikolohiya na unawain kung bakit hindi natin maiwanan ang ating pinagkakaabalahan.