Minsan magkasamang nagtatanim sa hardin si Lola Indang at si Lilia, ang kanyang apo. Sinusuri nila ang mga butil ng iba’t ibang bulaklak. Wika ni Lilia, “Kakaibang mumunting mga pangako itong mga butil. Maliliit na pangako ang bawat isa sa kanila, di po ba, Lola?”
“Tama ka, apo,” sagot ni Lola Indang. “Bawat butil ay isang pangako. Ngunit, tulad ng mga pangako, may mga kailangang kondisyon upang ito’y tumubo at lumaganap.” “Ano po ang mga kondisyon ito?” tanong ni Lilia.
“Kailangang hayaan ng bawat butil na ibaon siya sa lupa, isalang sa init ng araw, ibabad sa ulan, at subukan ng hangin upang mamulaklak, mamunga at maging ganap na tanim,” paliwanag ni Lola Indang. Nangako ang Diyos ng kaginhawaan sa panahon ng kapighatian; ng lakas sa panahon ng tukso’t pagsubok at ilaw sa panahon ng kadiliman. Ngunit hindi makakamit ang lahat ng ito kung wala tayong pananampalataya sa Kanya at lakas ng loob magtiwala sa Kanyang tawag sa bawat isa sa atin.
Katulad tayo ng mga butil. May plano ang Panginoon sa bawat isa sa atin. Sa ating mga kamay nakaukit ang balak niyang gawing ganap tayong mabuti at banal. Nasa atin ang kapalarang maging tunay niyang mga anak. Ngunit bago maisakatuparan ito, kailangan nating “pumirma sa kontrata” – maging aktibong nakikiisa sa Panginoon. Pagdasal natin na nawa’y lumahok tayo sa planong ito ng Panginoon.