Nakapaghanda ka na ba dahil birthday, anniversary, o promotion mo? Nagluto ka na ba para sa mga kasama mo dahil nakapasa ka sa board or bar exams? Kung oo, may mga pumunta bang nag-eat and run?
Dalawang uri daw ang isang tao: may mga tagakain at tagaluto. Ang taga-kain ang nakikinabang sa inihahain. Ang iba pa diyan, nakikikain at nagbabalot pa. Sila ang taga-simot sa inihanda at kung ubos na, wala na rin sila. Sa kabilang banda, sinisigurado ng tagaluto na mabubusog ang lahat. Kung kukulangin, magluluto siya ng mas marami; o dadagdagan niya ng pampabigat sa tiyan tulad ng puto’t suman.
Higit na kailangan sa panahon ngayon ang mga tagaluto. Yaong malaki ang pangarap para sa kapakanan ng mas nakararami. Mga taong nagluluto ng mga planong ikabubuti ng lahat, upang kahit sino ay makakakain. Sila ang mga nagiisip kung paanong mas makakatulong sa buong pamilya, barangay, bayan at sansinukob. Pagdasal nating maging mas tagaluto tayo, kaysa tagakain.