Nahihirapan ka bang humindi sa maraming bagay lalu na kung galing ang hiling sa ating kapamilya at kaibigan? Kung gayon, kailangang mong mag-prioritize. May isang guro na kumuha ng isang malaking botelya ng mayonnaise. Nilagyan niya ito ng malalaking bato. Sabi niya, “Puno na ba ito?” Sagot ng mga estudyante, “Opo, puno na!”
Pagkatapos, nilagyan niya ng maliliit na bato hangga’t napuno ang mga maliliit na espasyo sa gitna ng mga malalaking bato. Tanong niya, “Puno na ba ito?” Sagot sa kanya, “Opo!” Kumuha ang guro ng buhangin at inilagay niya sa loob ng botelya. Tanong niya, “Puno na ba ito?” Sabay tumugon: “Opo!” Pagkatapos, kumuha siya ng tubig at nilagyan niya ang botelyang puno ng mga bato at buhangin hangga’t sumipsip sa buhangin ang tubig. Tanong ng guro, “Puno na ba?”
Kayo na mga kapamilya ang sumagot. Ang punto ay simple lamang: Hindi mo mapapasok ang malalaking bato kung huli itong ilalagay. Ito ang mga mahahalagang bagay sa atin. At kailangang hindi-an ang maliliit kapag hindi ito magkasing-halaga sa malalaking bato. Ano ang malalaking bato sa iyong buhay? Pagdasal nating i-una lagi ang pinaka-mahalaga.