Gulong-gulo ba ang isipan mo? Nalilito ka na ba at tila hindi ka mapakali? May kuwento ako ukol kay Buddha at ang kanyang alagad. Napadaan daw si Buddha sa isang lawa. At dahil mahaba ang kanilang nilakbay, hapong-hapo ito. Kaya sabi ni Buddha sa kanyang alagad, “Kunan mo ako ng tubig sa lawa. Uhaw na uhaw ako.”
Mabilis na sumunod ang alagad, ngunit pagdating sa lawa nakita niyang may naglalaba, naliligo, at meron pang kalabaw. Kaya, bumalik siya sa Buddha, sabi, “Marumi ang tubig. Hindi pwede inumin.” Pagkatapos ng ilang oras, tinawag uli ni Buddha ang kanyang alagad upang kumuha ng tubig sa lawa.
Pagdating niya sa lawa, wala na ang mga naglalaba, naliligo at ang kalabaw. Malinaw na malinaw ang tubig. Kaya masaya niyang dinala ang malinis na tubig kay Buddha. Sabi ni Buddha, “ganito din ang ating isipan. Huwag mong aalugin ito kapag gulong-gulo. Hayaan mo hangga’t luminaw ang lahat.” Sa ating pagdarasal, subukan mong manahimik upang maliwanagan.