Isa sa mga hamon ng mga mag-aaral ang tandaan ang iba’t ibang pinag-aralan. Mahirap sa iba ang pagsasa-ulo ng maraming impormasyon. Halimbawa, ang mga bansa at ang kanyang capital city; ang bawat item sa Periodic Table of Elements; ang buong anatomy ng palaka at ng tao. Paano ba natin matatandaan ang mga ito?
Isa sa mga nakakatulong sa pag-alaala ang pag-uulit. Repeat to remember. Ulitin nang ulitin upang hindi makalimutan. Bilang isang guro, tinuro sa amin ang tinatawag na Ignatian Pedagogical Paradigm, isang pamamaraan ng pagtuturo na hango sa paraan ng pagdarasal ni San Ignacio de Loyola. Sa simula ng klase, may praelectio: ipa-alala mo ang pinag-usapan sa nakaraang klase; pagkatapos, lectio: simulan ang bagong topic; at sa huli, repetitio: ipaalala muli ang pinagusapan.
Sa pag-aaral, binabalik-balikan natin ang natututunan. Kaya sa bawat pagsusulit, sinusubukan ng guro ang natatandaan mo, na produkto ng iyong pag-uulit. Sa ating buhay, naaalala natin ang lahat na inuulit. Nakabaon sa isipan ang paboritong pagkain, dahil paulit-ulit itong niluluto sa bahay. Nagiging mabuti ang ating asal dahil lagi itong ginagawa. Nagiging malalim ang ating pananampalataya dahil lagi tayong nagdarasal. Manalangin tayong makita ang kahalagahan ng pag-uulit sa ating buhay.