Hindi lamang kapanglawan ang panahon ng Lent o Kuwaresma. May kakaibang saya ang Panahon ng Kuwaresma. Sa kabila ng mga pag-aayuno at pagsisisi, panatag ang ating kalooban. Alam nating mahal tayo ng Diyos at patatawarin Niya tayo. Hindi tayo nagsasakripisyo sa wala; nag-aayuno tayo sa meron — may pinatutunguhan ang ating mga ginagawa para sa Diyos.
Sapagkat ang Diyos ay mapagpatawad, walang hanggan ang kabaitan at hindi kailan ma’y mabilis magalit. Pinapangako ng Maykapal ang kapatawaran at pagbabagong-buhay sa mga taong tunay ang pagsisisi. Sa kuwaresma pinagdiriwang natin ang ganitong ugali ng Panginoon. Ang Kuwaresma sa Anglo-Saxon ay nangangahulugang, spring o tagsibol. Ibig sabihin, simula ito ng pag-usbong ng bagong dahon pagkatapos ng tag-lamig. Ang saya ay isang resulta ng pagsisisi at pagbabalik-loob sa Diyos.
Nararanasan natin itong kakaibang saya. Pagkatapos patawarin tayo ng ating mga magulang o mga kaibigan, magaan ang ating pakiramdam. Sa kabila ng ating mabigat na kasalanan, pinatawad pa rin tayo ng Diyos pagkatapos ng kumpisal. Naiyak tayo sa tuwa at para bagang nabunutan tayo ng tinik sa dibdib. At sa tuwang ito, alam nating nabigyan tayo ng pagkakataong magsimula muli at umunlad tungo sa bagong-buhay. Pagdasal natin na makita natin ang mas malalim na saya kapag muli tayong magbalik-loob sa Diyos. Bawat araw ay isang pagkakataong magbagong-buhay.