Sa araw ng eleksyon gagamitin natin ang ating karapatang bumoto sa napupusuan nating mga kandidato. Bakit kailangang bumoto? Unang-una, ito ay isang pribilihiyo. Itong karapatang ito ay bigay mismo ng Diyos sa atin, dahil, sa ating paghahalal ng ating mga representate’t tagapamahala, direktang nakikisangkot tayo sa proseso ng gawain ng gobyerno para sa kapakanan nating lahat.
Sa pagboboto, nararanasan natin ang isang gawaing nagpapapantay sa ating lahat. Anumang relihiyon, kasarian, antas ng pinagaralan, at katayuan sa buhay, ang ating boto ay kasinghalaga sa iba. At higit sa lahat, ang pagboboto ay isang responsibilidad. Sa ating buhay, ang paghulma sa kinabukasan ay dinidiktahan ng ginagawa natin sa kasalukuyan.
At dahil dito, ang pagboboto ng isang kandidatong kaduda-duda at may bahid ang reputasyon, ay isang pagdalisdis sa ikasasama ng katayuan ng ekonomiya at lipunan. Kung may reklamo tayo sa mga namamahala sa kasalukuyan sa gobyerno, hindi ba’t maaaring sisihin din tayo na nagluluklok sa kanila doon. Ipinaubaya natin sa kanila ang buong bansa. Mga kapamilya, ipagdasal nating ang pagboboto ay manatiling malinis at higit sa lahat, salamin ng ating pagninilay.