
Dahil ang Mayo ay nakaugaliang buwan ng piyesta sa maraming bayan, at nagkaroon tayo ng eleksiyon nung isang linggo, meron po akong ikukwento. Nangampanya isang araw si Pedro, isang kandidatong pulitiko sa isang lalawigang malapit sa kanyang bayan. Habang nagsasalita siya, hinagisan siya ng isang kamote.
Bagaman nagingitngit siya sa galit, napagisipan niyang kunin ang tinapong kamote. Inuwi niya ito, tinanim, at hindi nagtagal, inani niya ang naparaming kamote. Inilagay niya ang mga ito sa isang sako at hinanap niya ang taong naghagis ng kamote sa kanya. Nang matagpuan, ibinigay ni Pedro ang sakong punong-puno ng kamote.
Ano ang mapupulot nating aral? Mahirap sa ating mga Pinoy ang tumanggap ng puna. Maaari itong punang mapagbuo o constructive o kaya, may mga punang mapagpanira. Madali tayong masaktan kapag may humahagis sa atin ng kamote. Kaya tularan natin si Pedro. Ipagdasal nating magamit ang mga puna upang lalo tayong gumaling, umunlad at maging matagumpay.