Ano ba ang ginagawa mo sa pagdating o pag-alis mo ng bahay? Kinaugalian nating mga Pinoy (at ng mga Hispanics) ang humalik o magmano. Tulad ng aking pamilya, ugali rin naming magpaalam kay Kristo sa pamamagitan ng paghawak at mag-antanda ng krus sa larawan ng Sacred Heart of Jesus. Sa simpleng ritwal, nararamdaman natin ang pagpapaubaya sa Diyos ng ating mga magulang.
Sa kanyang sinulat sa Context, isang peryodiko ukol sa kultura at relihiyon, sinabi ni Martin E. Marty na ang ganitong simpleng ritwal ang may malaking epekto sa ugnayan ng mga pamilya at mga magulang. Sa kanyang pag-aaral, ang mga magasawang humalik sa bawat isa bilang pamamaalam at pagtanggap sa pagdating ang may mas matibay at masayang buhay.
Ayon kay Paul Bosch, “Whatever you do repeatedly, over and over again, has the power to shape you.” Ang mga ugaling simple, tulad ng pagpapakita ng paggalang, ang may kapangyarihang hubugin at baguhin ang ating buhay kasama ang ating mga anak. Ang mga simpleng ritwal ang siyang humuhubog sa atin. Ipagdasal nating huwag kakaligtaang gawin ang mga simpleng ritwal na nagpapahiwatig ng ating pagmamahal sa isa’t isa.