Sabi ni San Ignacio de Loyola, kailangan nating makilala kung ano ang laging tumutukso sa atin. May kuwento ako: Isang araw nakita ng isang ibon ang isang pusang nagtitinda ng uod. Sabi ng pusa, “tatlong uod sa isang balahibo mo.” Napaisip ang ibon. Sabi niya sa sarili, “Naku, mura naman pala.” Kaya binili niya ang tatlong pirasong uod, kinain at labis itong nasarapan.”
Pagkatapos, lumipad na siya sa isang puno. Ngunit hindi niya makalimutan ang masarap na mga uod. Kumukulo ang kanyang tiyan tuwing naaalala niya ang malasang pagkain. Kaya, bumalik siya sa pusa. Isa-isang binibigay ng ibon ang kanyang mga balahibo, unang-una ang kanyang mga pakpak, habang pinapapak niya ang mga uod. Naulit ito nang ilang beses.
Pinagmamasdan lang siya ng pusa. Ngayong wala na ang kanyang mga pakpak, hindi na makalipad ang ibon. Sa gabing iyon, ang pusa naman ang busog-na-busog sa malasa niyang hapunan. Ganyan ang tukso. Masarap sa unang tikim, ngunit sa hulihan naman ang pagsisisi. Manalangin tayong huwag magpadala sa tukso, sa halip, piliin ang makakatulong sa ating paglipad.