Sa sulat ni San Juan, inihambing niya si Hesus sa isang pastol o isang mayhawak sa susi ng pastulan. Sa bawat paghahambing, inihahayag ni San Juan ang isang masinsing pagbabantay sa mga tupa, upang hindi sila mananakaw. Ang kuwentong ito ay galing sa isa kong estudyante nang tinanong namin siya kung paano niya nalalabanan ang sinumang nangbu-bully sa kanya. Grade 1 si Junjun noon, at ang umuusig sa kanya ay mas matanda, isang Grade 4, pangalan ay Gaston.
Isang araw, nakasalubong ni Junjun si Gaston. Hinamon siya nito na makipagsuntukuan. Ngunit alam niyang wala siyang kalaban-laban sa laki nitong katawan. Sinubukan ni Junjun ang umiwas, ngunit hinabol siya ni Gaston. Tumakbo siya nang tumakbo hanggang sa nakauwi siya sa kanyang bahay. Laking gulat niya nang maratnan niya ang kanyang sundalong kapatid.
Hinila ni Junjun ang sundalo sa labas at sumigaw ito, “Sige, laban na tayo ngayon. Hindi ako natatakot sa iyo.” Nang makita ni Gaston ang kanyang kapatid, natakot ito at hindi na siya hinabol. Tumigil na rin itong apihin si Junjun. Mga kapatid, si Hesus ay tulad ng sundalong kapatid ni Junjun. Kung mananatili tayo sa kanyang kawan, hindi tayo kailanman magiging alipin ng sinumang magnanakaw. Idulog natin sa Panginoon nating Mabuting Pastol ang lahat ng ating mga pangangailangan.