Gusto mo bang may gawin sa kalagitnaan ng bakasyon? Naka-post sa Instagram o sa Facebook ang mga larawan nating nasa beach, swimming pool o kaya’y nagpapalamig sa Baguio o Bukidnon. Hindi lamang natin binubusog ang ating mga mata sa mga tanawin, kundi pinupuno din natin ang ating mga puso’t diwa ng pagmamahal sa kalikasan. Imagine: Baka hindi magtatagal ang tinatanaw mong napakaganda, magiging alaala na lamang kapag hindi natin papahalagahan ang kalikasan.
May tinatawag na Assisted Natural Reforestation, kung saan ina-assist natin o tinutulungan nating mapabilis ang paglago ng mga kahoy na tumutubo na mismo sa kanyang paligid. Ibig sabihin, hindi natin tinatanim ang isang bagong kahoy na hindi naman galing sa paligid (tulad ng mahogany), kundi tinatanim at inaalagaan natin ang mga punla ng mga kahoy na naroroon na sa kapaligiran. Sa ganitong paraan, hindi natin binabago ang ecosystem sa kagubatan man o sa karagatan.
Ang pag-aalaga ng ating kapaligiran ang siyang tinuturo ni Pope Francis sa atin. Kapag hindi natin sinisira ang kalikasan na gawa ng Diyos, inaalagaan na rin natin ang mga taong makikinabang nito sa kinabukasan. Maaari tayong makisangkot sa iba’t ibang programa ng ating gobyerno ukol sa reforestation. Kaya ipagdasal natin ang malalim na pag-aasikaso sa kalikasan, para sa ating paglago bilang komunidad at pamilya ng Panginoon.