Pagtuonan natin ng pansin ang kultura ng Santacruzan. Nakasali ka na ba o nakinuod ka lamang. Ano nga ba ang kuwento sa kabila ng Santacruzan? Isang pagpaparangal sa paghahanap ng tunay na krus ni Reyna Elena ang santacruzan. Si Reyna Elena ang ina ni Emperador Constantino ng Kaharian ng Roma. Ginawa niyang pambansang relihiyon ang Kristiyanismo, kaya lalo itong lumaganap noong mga unang panahon.
Pinaparangalan ng Santacruzan ang mga bidang babae ng pananampalataya. Makikita sila sa Lumang Tipan: si Reyna Ester, Reyna Saba o Sheba, at si Infanta Judith. Kasama din si Veronica, Maria Magdalena, Maria Jacobe, at Maria Salome. Sa buntot ng prusisyon ng Santacruzan, makikita ang iba’t ibang Reyna Elena, minsan may Emperatriz pa. Ngunit meron tayong nakakaligtaan: hindi laging nakikita, sa mga nagagandahang sagala, si San Macario, ang obispong sumama kay Reyna Elena sa Jerusulem. Dahil dito, ang santacruzan ay isang paalala sa atin sa kahalagahan ng maraming babae na tumutulong sa pagpapalago ng ating pananampalataya. Higit sa lahat, ang masigasig na paghahanap sa Diyos. Sabi ni San Agustin, hindi daw mapapakali ang ating puso, hangga’t hindi natin matagpuan ng lubusan ang Diyos. Pagdasal natin ang mga bayaning babae sa ating buhay-espirituwal na tumutulong sa ating matagpuan ang Diyos sa ating buhay.