Maging isang mahusay na pintor ang pangarap ng magkapatid na si Albert at Albrecht Durer. Pangarap nilang makapag-aral sa Akademiya sa Nuremberg; ngunit hindi nila kayang sustentuhan ang kanilang pag-aaral. Kaya nag-isip sila ng paraan: habang ang isa sa kanila ay nagaaral; nagtatrabaho naman ang isa. Nanalo si Albrecht sa pustahan kaya si Albert ang nagtrabaho para sa kanyang pag-aaral.
Pagkatapos ng ilang taon, bumalik si Albrecht sa kanilang lalawigan bilang isang pintor upang suklian ang sakripisyo ng kanyang kapatid na si Albert. Sa isang salu-salo sa bahay ng mga Durer, winika ni Albrecht na panahon na ni Albert ang mag-aral. Ngunit, himindi si Albert. Wika niya, “Huli na ang lahat sa akin ang maging isang pintor. Hindi na kaya ng aking mga kalyuhang kamay ang makahawak man lang ng brocha para sa pagpipinta.”
Nakita ni Albrecht ang mga kamay ng kapatid, kaya bilang pasasalamat, ipininta ni Albrecht ang “Praying Hands” na kilalang-kilala na sa buong mundo.

May mga magulang, kapatid, kaibigan tayong handang ihain ang kanilang buhay para sa atin tulad ni Albert kay Albrecht. Ganoon din ang Diyos sa atin. Siya ang bumubusog sa ating lahat, upang magampanan natin ang ating misyon. Upang maging Tinapay ng Buhay para sa iba. Ang pagiging tinapay sa iba’t ibang mga tao ang nagsisilbing pasasalamat kay Hesus na nag-alay ng buhay sa atin. Ipagdasal natin na nawa tayo’y maging tinapay ng buhay sa iba.