Alam mo ba ang tatlong pagsubok upang malaman kung nararapat bigyan ng tunay na pansin ang isang isyu? May kuwento ako ukol kay Socrates, isang pilosopong kilala sa kanyang karunungan. Isang araw, nilapitan siya ng isang kakilala. Sabi nito, “may ikukuwento ako ukol sa iyong kaibigan?” Sabi ni Socrates, “Bago mo ikuwento, kailangang makapasa ito sa tatlong pagsubok?”
“Una, katotohanan.” sabi ni Socrates, “Sigurado ka bang totoo ang sasabihin mo?” “Narinig ko lamang sa iba,” tugon ng kausap. “Pangalawa, kabutihan,” dugtong ni Socrates, “Mabuti ba itong balita?” “Hindi po. Sa katunayan, nakakabagabag ito,” tugon ng kakilala. “Kung hindi ka siguradong totoo ito at hindi ito mabuti, may isa pang pagsubok,” wika ni Socrates. “Ito ang pagsubok ng halaga.”
“Mahalaga ba itong sasabihin mo sa akin?” tanong ng pilosopo. “Hindi po,” tugon na kakilala. “O, kung hindi ito totoo, mabuti at mahalaga, bakit mo sasabihin sa akin?” tanong ni Socrates.
Mga kaibigan, may mga bagay na nais nating sabihin, o isulat o i-post sa Facebook, Twitter, Snapchat at iba pa. Ngunit ito ba ay katotohanan, kabutihan o mahalaga? Kung hindi papasa sa tatlo, huwag na nating ituloy. Ipagdasal natin na liliman nawa tayo ng liwanag ng Espiritu upang makapag-isip upang hindi tayo— o ang iba —- napapahamak.