May isang hari ang gustung-gusto makita ang Diyos. Pinilit niya ang mga pari at dalubhasa ng kanyang kaharian na ipakita sa kanya ang Panginoon, ngunit wala sa kanila ang nakapagpakita sa kanyang matinding hangarin. Isang araw, inanyayahan siya ng isang magsasaka na sumama sa kanyang bukid. Sumama naman ang hari at tanghali na sila nakarating.
Kasagsagan na ng araw at pinagpapawisan na ang hari. At sa tamang panahon, sinabi ng magsasaka,
“Titigan niyo po ang araw!” “Paano ko matitingnan ang araw?” tugon ng hari, “Gusto mo ba akong mabulag?”
Wika ng magsasaka, “Isa lamang iyan sa nilikha ng Diyos at hindi mo siya matitigan? Naaaninag sa bawat likha, ang mukha ng Diyos!”
Karamihan sa atin ang gustong gusto makita ang Diyos, nguni’t nahihirapan makita ang mukha niya sa sangnilikha. Mas mainam na sanayin muna natin ang ating mga mata sa pag-aaninag sa Diyos.
Mga kapamilya, manalangin tayo:
“Panginoon, pahintulutan Niyo po ang kahilingang maging sentro at hari Ka ng aming buhay, upang sa lahat ng bagay, makikita namin ang iyong liwanag. Amen.”