Habang papalapit na ang katapusan ng taong 2015, nararapat lamang na magbalik-tanaw sa nakaraan upang lalung palalimin ang natutuhan sa mga nagdaang karanasan. Maari nating gamitin itong tatlong tanong na hango sa Spiritual Exercises ni San Ignacio de Loyola.
Unang-una: ano ang nagawa ko para sa Diyos?
Mas maganda kung mayroon tayong notebook o listahan upang mabalikan natin nang isa-isa ang mga importanteng karanasan sa nagdaang taon. Hindi kailangang lahatin, kundi piliin lamang sa listahan ang mga may tama sa ating buhay. Pagkatapos, pagnilayan ang katuturan ng mga ito sa iyong buhay. Huwag kakalimutang usisain ang naidulot nitong kabutihan o kasamaan.
Ano ang ginagawa ko sa Diyos, ang pangalawang tanong.
Sa kasalukuyang panahon, ano-ano ang pinagkakaabalahan ko? Ano ang maidudulot nito sa aking pagkatao, sa aking pagkikitungo sa kapwa at sa aking buhay pananampalataya. Ako ba’y mapapalapit sa Diyos o mas mapapalayo sa Kanya?
Ang panghuli ay “Ano ang maaaring ko gawin pang para sa higit na ikaluluwalhati ng Diyos?
May mga natutunan ba ako sa aking nakaraan at ginagawa ko sa kasalukuyan na maaari kong ipagpatuloy o baguhin upang maging mas maka-Diyos at kapwa?
Manalangin tayo: “Panginoon, tulungan niyo po akong suyurin ang aking buhay upang maging mas higit na mabuti akong tagapaglingkod Ninyo sa susunod na taon. Amen.”
Manigong Bagong Taon po sa inyong lahat!