Sa Miyerkoles na ang Ash Wednesday o Miyerkoles ng Abo, kung saan gagamitin natin ang abo para sa pagmamarka ng krus sa ating mga noo. Sa pagmamarkang ito magsisimula ang Panahon ng Kuwaresma ng mga Kristiyano. Hinihingi sa panahong ito ang isang mas malalim na pagninilay, pagdarasal at pagbabalik-loob sa Diyos.
Ang palaspas o palm branches na ginamit sa Linggo ng Palaspas ay susunugin bukas, Martes. Ang abo nito ang gagamitin natin. Sa lumang tipan, ang abo ay para sa panahon ng pagsisisi, lalung-lalo na kapag ukol ito sa kasalanan na sumisira sa ugnayan natin sa Diyos. Bakit abo? Ang lahat ng bagay kapag nasunog, nasira at naagnas ay nauuwi sa abo. Ito na ang pinakamababang nararating ng anumang bagay.
Ipapaalala sa Miyerkoles na tayo ay nangaling sa abo at sa abo rin tayo babalik sa katapusan ng ating buhay. “You came from dust and from dust you shall return.”
Mahalagang lumingon sa pinanggalingan, sabi ni Gat Jose Rizal. Ang sinumang marunong tumanaw sa ating pinagmulan ay makakarating sa paroroonan. Kapag mulat tayo sa ating pagkamakasalanan, mas lalung nanaisin natin ang kaligtasan; kapag alam natin na kulang ang ating nalalaman, nabibigyan tayo ng inspirasyong mag-aral; kapag alam natin ang ating kahinaan, mas hihingi tayo ng tulong sa ibang tao.
Manalangin tayo: Panginoon, bigyan mo po kami ng pusong labis ang pagsisisi sa aming mga kasalanan, upang maging mabilis ang aming pagbabalik-loob sa iyong piling. Amen.”