Pagpapahalaga o values: Pagkakaibigan o Kasiyahan na nagpapagaling sa atin.
***
May kasabihan na “laughter is the best medicine.”
Meron akong kuwento. Nagkasakit nang malubha si John. At habang tumatagal siya sa ospital, nararamdaman niya ang kawalang-pag-asa. Lumulubha nang lumulubha ang kanyang pakiramdam, hindi lamang sa katawan, kundi sa kaluluwa. Naging malungkutin ang bata.
Isang araw, may dumaan na clown o payaso. Nakita niya si John kaya pumasok siya sa kuwarto at nakipagkaibigan ito sa maysakit.
Wika ng payaso, “Anong ginagawa mo diyan? Hindi mo ba alam na may langit para sa mga batang maysakit, na mas maganda kaysa sa mga wala? Ngunit kung gusto mong makarating doon, kailangan mong punuin ng mga papel ng kabutihan ang bag na ito.”
At inilabas ng payaso ang isang bag. Sabi ni payaso, papalitan ng ticket ang mga papel, ng mga anghel sa langit. Kaya nang dumating ang kanyang nanay, nginitian at hinalikan niya ang kanyang magulang. Sa gabi, sinulat ni John ang mga katagang, “Natuwa ang Nanay ko ngayon.”
Araw-araw, nag-isip si John ng mga mabubuting gawain: inalagaan niya ang ibang bata sa ospital, hindi siya naging pasaway sa mga nurses, hanggang naging bukal siya ng kaligayahan sa buong ospital. At araw-araw, nakikita ni John na dumadami ang ticket niya sa kanyang bag. Hindi napuno ni John ang kanyang bag.
Ngunit dahil sa kanyang saya sa buhay, gumaling nang gumaling siya!
Manalangin tayo.
Lumakas sana ang aming pananampalataya, pag-asa at pag-ibig Panginoon. Loobin mo na ang inihahandog naming buhay sa iyong karangalan ay magbunga ng kasayahan sa lahat. Amen.