Dahil nasa kalagitnaan tayo ng semestre, madaling dapuan tayo ng boredom at pagod. Wala na ang excitement ng pasukan, ngunit malayo pa tayo ang katapusan. Madali tayong mawalan ng pasensya at malimit tayong naiinis at nababagot. Higit sa lahat, nawawalan tayo ng gana. Humahaba ang bawat araw.
Tila ganito ang paglalakbay ng mga Israelita tungo sa lupang pangako. Tulad natin, nawalan sila ng gana at pagtitiwala sa Diyos. Tapos na ang mabonggang paglisan sa Ehipto, at wala pa sa kanilang abot-tanaw ang kanilang patutunguhan.
Ganito din ang nangyari sa buhay ni Hesus. Alam natin ang kakaibang kuwento ng kanyang pagkabata hanggang taong-labing-dalawa; at ang sunod na kuwento ukol sa kanya, tatlumpong taon na siya. Ano ang nangyari sa laktaw na panahong ito? Hindi natin alam.
Tinatawag ang mga taong 13-29 years old ni Hesus bilang mga nakatagong taon ng paghahanda sa misyon Niya sa buhay.
Manalangin tayo na tanggapin at pagtiisan ang mga sandali ng pagkabagot dahil alam nating inihahanda tayo para sa ating kinabukasan. Tanggapin mo, Panginoon, nang buong awa ang aming buong araw, upang ang mga may pananalig sa iyo ay makatanggap ng iyong mga pagpapalang makalangit. Amen.