Bakit may ‘Kape’t Pandasal’?
Pagnilayan natin ang ating buhay sa pamamagitan ng paggamit ng larawan ng tasang puno ng mainit at masarap na kape sa umaga. Pagmasdan natin ang ating mga tasa. Kadalasan yari ito sa plastic, stoneware, luwad o clay.
Wika ni San Pablo, katulad natin ang mga tasang yari sa luwad. Bagaman marupok, ang bawat tao ay piniling tirahan ng Diyos. At ang Espiritu Santo, ang “kape” sa ating mga tasang luwad. Nananahan ang Espiritu ng Diyos sa atin. Templo at instrumento ng kanyang mga biyaya ang bawat tao.
Ito ang kape’t pandasal. Bilang unang gawain sa umaga, pinagninilayan natin ang “kape” o ang mga nakakapuno sa ating hungkag na puso. Pinaglalaanan natin ng panahon ang Diyos ng buhay.
Manalangin tayo: “O Amang walang hanggan, ituwid mo ang aming mga gawain sa iyong kalooban, upang sumagana ang aming buhay sa mabubuting gawa. Amen.”