May iniiwan ang wagas na pag-ibig, tulad ng pag-ibig ng Diyos sa atin. Naalala natin ang pinagdaanan ni Kristo upang mailigtas lamang tayo sa ating mga kasalanan. Ito ang patunay sa lubos na pagmamahal ng Ama sa atin: hanggang sa kamatayan ng Kanyang Anak ang ihahain niya para sa atin. Wika ni San Pablo, tatlo ang magpakailanman: ang pananampalataya, ang pag-asa at ang pag-ibig.
Kapag wala na tayo, naaalala ng ating mga iniwan kung paano natin ipinakita ang ating malasakit sa kanila.
Pinaalala sa atin ito ni Mother Teresa: “Hindi ang ating mga ginagawa ang mahalaga, kundi gaano natin inilagay ang ating puso sa ating mga ginagawa.”
Sa aking mga karanasan ng mga naghihingalo, walang nagsasabing, “dalhin mo dito ang aking mga medalya’t diploma!” Mas sinasabi nila, “Lumapit sa akin ang aking mga anak at kaibigan!”
Ukol sa tao ang ating buhay.
At kung matutunan natin ito nang mas maaga, mas mabuti. Nasa huli lagi ang pagsisisi.
Manalangin tayo. O Ama, tumulad nawa kami sa Panginoong Hesus na may dalisay na puso at lubos na nakatalaga sa kalooban Mo. Amen.