Sa pagtatapos ng buwan ng Mayo, sari-saring mga Santacruzan ang magigisnan natin lalu na sa lalawigan at bayan sa probinsya. Ang Santacruzan ay isang prusisyon na isinasagawa sa huling bahagi ng pagdiriwang ng Flores de Mayo, ang pagaalay ng bulaklak kay Maria. Isinasalarawan nito ang paghahanap sa Banal na Krus ni Reyna Elena, ang ina ni Constantino.
Ito ang kuwento. Ilang daang taon na ang nakalipas nang si Constantino, ang emperador ng Roma ay dinalaw ng isang panaginip na siya ay hinihingan ng tulong na pumunta sa isang digmaan upang lumaban sa ngalan ng banal na krus. Nasupil niya ang kanyang kalaban at ang kanyang tagumpay ay naging daan tungo sa kanyang pagiging Kristiyano.
Si Constantino ang unang emperador ng Roma na naging Kristiyano. At dahil sa kanya, ginawa niyang ang Kristiyanismo bilang opisyal na relihiyon ng buong kaharian.
Dahil sa tagumpay, nagkaroon si Reyna Elena ng inspirasyong hanapin ang Banal na Krus. Sa taong 326, matagumpay na nahanap ni Reyna Elena ang Banal na Krus. Sa kanyang pagbabalik, nagkaroon ng masayang pagdiriwang.
Samakatuwid, ang lahat ng makikitang dinadala ng mga sagala ay isang pagaalala sa kuwentong ng paghahanap sa krus, at sa pagdiriwang ng mga pinahahalagahan ng pananampalatayang Kristianismo.
Halimbawa, ang mga Reynang Fe, Esperanza at Caridad ay sumasagisag ng tatlong birtud; si Judith, Esther, at Tres Marias ay pawang mga babae ng pananampalataya.
Mga kapamilya, manalangin tayo na mapagdiwang namin ang pagpapakita ng Diyos sa atin na naghahanap sa Kanya sa buwan na ito. Amen.