Allergic ka ba sa mga plastic? Hindi lamang ito yung mga taong plastic, ngunit mas gusto kong maging allergic sa mga plastic na tinatapon natin sa ating mga dagat. Sinusulong ng GREENPEACE ang pag-aalaga sa kalikasan, tulad ng paghamon ni Pope Francis sa atin sa kanyang sinulat na Laudato Si.
Ayon sa kanila, nangunguna tayo kasama ang Indonesia, Vietnam, Thailand at Malaysia sa mga nagtatapon ng mga plastic sa dagat. Isa sa maaari nating gawin ang hindi paggamit ng single-use plastic tulad ng bags, botelya, straw at iba pa, na iisang gamit lamang. Hinihimok tayong mag-recycle ng grocery bags, o kaya, iwasan ang paggamit ng straw sa ating mga paboritong inumin.
Sa pagbabawas ng paggamit ng plastic na nakakapatay sa maraming isda sa dagat, nakakasiguro tayong may makakain pa ang mga susunod ng henerasyon. Itinatatag natin ang kinabukasan ng ating mga anak kapag inaalagaan natin ang ating kalikasan.
Manalangin tayo mga kapamilya: O Panginoon, pinag-iisa mo ng isip at damdamin ang mga tapat sa iyo. Ipagkaloob mong pangalagaan natin ang iyong ipinagkaloob na kalikasan at nasain ang kaligayahang walang hanggan. Amen.