Pinaguusapan ang kakaibang mga ginagawa ni Pope Francis na taliwas sa mga nakasanayang gawain sa Vatican. Isa ang pagiging simple ng kanyang pamumuhay. Ang nakaraang mga Santo Papa, bilang pinuno ng mahigit na isang bilyong Katoliko sa buong mundo, ay nanirahan sa tinatawag na Apostolic Palace o appartamento pontificio.
Ngunit pinili ni Pope Francis ang isang simpleng apartment na may dalawa lamang na kuwarto sa Domus Sanctae Marthae. Nais niyang makipagsalamuha at manirahan sa isang komunidad, tulad ng nakaugalian niya bilang isang relihiyoso, bilang Heswita.
Noong Arsopispo siya ng Buenos Aires sa Argentina tinanggihan niyang manirahan sa Palasyo ng Obispo, at piniling manirahan sa isang simpleng apartment; at doon, siya mismo ang nagluluto ng kanyang pagkain.
Ano ang pagiging simple? Isang dakilang pilosopo, si Socrates ay kilala na tipid at hindi bumibili ng kung ano man sa palengke.
Isang araw, nakita siya ng kanyang mga kaibigan na nakatutok sa isang ginintuang bagay. Tanong nila, “Bakit ka nandito, eh, hindi ka namang bumibili?” Sagot ni Socrates, “Namamangha akong napakaraming bagay na tinitinda, na hindi ko kailangan.”
Mga kapamilya, manalangin tayo na magkaroon ng desisyong piliin lamang ang kailangan, at hindi ang kalabisan.