Nahalata niyo ba kung kailan ginagamit ng ating mga kabataan ang kanilang mga cellphones, lalo na ang mga social media platforms tulad ng Facebook, Twitter at Instagram?
Pinaguusapan ngayon ang epekto ng mga social media platforms sa kanila. Ito daw ay nakaka-adik.
Ayon sa maraming pananaliksik, inilalabas ng ating katawan ang dopamine, isang kemikal na may kinalaman sa kasarapan. Lumalabas ang dopamine sa bawat like, share, at komentaryo sa ating mga posts. Masarap kapag nagugustuhan tayo ng ibang tao.
Dahil sa pagka-adik sa paggamit ng social media at sa mga cellphones na rin, napapalitan ng teknolohiya ang panahon para sa tunay na pakikipag-ugnayan.
Sabi nila, ang panibagong generasyon ay magkaugnay (“connected”) sa isa’t isa, nguni’t nag-iisa (“isolated”). Merong ka-chat sa internet, ngunit hindi magkakilala. Nasisira din nito ang pamilya: May ka-text, ngunit hindi kinakausap ang nasa harapan sa hapag-kainan.
Upang hindi lumala ang sitwasyon, pinapayo namin sa mga magulang na turuan ang mga anak ng tamang paggamit ng cellphones.
Mahalaga ang bonding time, ayon sa mga millennials, maging sa pamilya o kaibigan. Kaya gawing madalas ang magkakasamang kumakain at nag-uusap.
Manalangin tayo: O Diyos, turuan mo kaming makita ang kahalagahan ng pagpapalago ng tunay na pagmamahalan, na nawa’y hindi maging sagabal ang pag-unlad ng teknolohiya. Amen.