May kuwento po ako ukol kay Agnes, isang batang mahilig kumain, lalo na ng mga matatamis. Kapag meron siyang pagkain, hindi niya ito ibinabahagi sa iba. Isang araw, niregaluhan siya ng kanyang mga magulang ng isang magnifying glass. Tuwang-tuwa si Agnes, dahil lahat ng nakikita niya sa magnifying glass ay lumalaki.
Isang araw, may isang matandang humingi ng pagkain sa kanya. Nguni’t ipinagkait niya ang hawak-hawak niyang burger at french fries. Nakita ng matanda ang magnifying glass na hawak niya sa kabilang kamay. Hinawakan niya ito bago umalis.
Nang umuwi si Agnes sa bahay, inilabas niya ang magnifying glass at tiningnan niya ang isang langgam. Siyempre, lumaki sa magnifying glass ang langgam, ngunit nabigla si Agnes nang nanatiling malaki ang langgam at hindi na ito bumalik sa dati niyang sukat.
Kaya nilabas niya ang mga matatamis na pagkain, at lalo niyang pinalaki ang mga ito upang mas marami siyang kakainin. Hindi nagtagal naubos niya ang mga pagkain. Ngunit hindi na siya makatayo. Sumakit ang kanyang tiyan sa sobrang pagkain. Kaya simula noon, nawalan na siya ng ganang kumain nang labis, sa halip, ipinamigay na niya ang sobra sa walang makain.
Mga kapamilya, walang magandang kinahihinatnan ang anumang sobra o labis.
Manalangin Tayo: O Dios, turuan mo kaming kumain ng tama, upang ang iba naman ang makakain ng husto. Amen.