Noong nakaraang buwan, nakita natin ang biglang pag-angat ng UP Maroons sa Championship games pagkatapos ng 32 taong ng pagkatigang sa UAAP. Ito’y hindi inaasahan ng maraming sa aming taga-UP, dahil parang nasanay na kaming natatalo sa labanan.
Sa larong UP vs Adamson, binabalikan ko ang sinabi ni Coach Bo Perasol sa isang interview: sabi niya, nagkaroon siya ng sandaling pagdududa, pero inisip niya ang mga basketbolista, kaya sabi niya sa kanila, “Huwag kayong magduda! Atin ito!”
Importante para sa akin ang sinabi ni Coach Bo. Minsan isang hakbang na lamang tayo sa tagumpay, uurong pa tayo. Dahil dumarating talaga ang pagdududa sa sarili. Ilang beses akong nagduda na di ako papasa sa exam, kahit na nag-aral ako. Ilang beses ka bang umurong dahil masakit na at matagal na ang iyong pagsisikap?
Nguni’t alam natin ang sikreto ng tagumpay: kailangan natin ng confidence, hindi bilib sa sarili, kundi isang paniniwalang kaya natin ang anumang pinangarap natin.
Kaya, huwag tayong uurong. Tuloy ang laban. O enjoy-in natin ang laban. Walang larong masaya, hangga’t may hamon.
Manalangin tayo sa Diyos na hindi tayo kailan man mawawalan ng pag-asa. Para sa bayan, tuloy ang laban. Para sa mabungang buhay, yakapin ang hamon. Dahil Diyos mismo ang nangakong kasama siya sa lahat ng panahon.