May naalala akong kuwento ukol kay Miggy at Kulas, dalawang dagang magkaibigan. Si Miggy ay nakatira sa isang malaking bahay kaya laki siya sa yaman; samantalang si Kulas ay nakatira sa estero, kaya sanay na sa hirap. Isang araw, hindi makauwi si Miggy at Kulas dahil napuno ng snow o yelo ang buong paligid na pinaglalaruan nila.
Dahil laki sa maginhawang buhay, hindi alam ni Miggy kung paano siya uuwi. Nguni’t nagsimulang humukay si Kulas, at kahit sa paghukay, hindi rin alam ni Miggy ang gagawin. Paralisado ang mayaman kaya nang inabutan ng gutom, nanghina si Miggy hanggang nawalan ng malay. Nang magising, isang nurse ang bumungad kay Miggy.
Iniligtas ito ni Kulas. At kahit na may mga daliring napudpod si Kulas, nakuha pa rin nitong magbiro na ang kanilang kaligtasan ay sanhi ng kaniyang mga sugat.
Kapag may dinadaanan ka sa buhay, madalas hindi natin makita ang ating tibay na yari sa ating mga pinagdaanan.
Maraming mga tao ang hindi matanggap na sila’y matatag at matibay. Kadalasan, binibigyan natin ng pokus ang ating kahinaan at ang ating kinatatakutan. Kailangan nating tandaan na ang tapang ay hindi ang kawalan ng takot, kundi ang ating hangaring magpatuloy sa gitna ng ating mga takot.
Manalangin tayo: O Diyos, pinagtibay mo ang aming loob dahil ikaw mismo ang nagpakasakit para sa aming kaligtasan, nawa’y makita namin ang tibay na ito sa lahat ng aming binabata. Amen.
