Paunang Salita: Ito ang aking Pambungad na Salita sa pagdiriwang ng katapusan ng Buwan ng Wika sa Senior High School ng Ateneo de Davao University. At ito ang link para sa video na ito.
Kumusta kayong lahat. Binabati ko kayo sa pagdiriwang ng ating Buwan ng Wika. Ako po si Fr. Jboy Gonzales SJ, ang inyong punong-guro sa paghubog. Labis akong nagpapasalamat sa inyong pagtangkilik sa pagdiriwang natin ng Buwan ng Wika. At lalung lalo na kapag pinag-uusapan ang halaga ng wika sa panahon ng pandemiya.
PAGLILINAW
Importante ang wastong paggamit ng wika sa paglilinaw: kapag kailangang maipahiwatig sa buong bayan ang tamang impormasyon o datos ukol sa krisis na pangkalusugan. Mahalaga ang pangnakaraan sa pangkasalukuyan. Halimbawa, iba ang kahulugan ng “ang bilang ng mga nag-positibo sa Covid NOON” ay umakyat na NGAYON! Isipin mo na lamang kapag mali ang balarila o grammar sa paggamit ng wikang Ingles o Filipino sa pagbibigay ng mga tagubilin upang ma-protektahan ang taumbayan laban sa virus.
PAGPAPALIWANAG
Mahalaga din ang wastong paggamit ng wika sa pagpapaliwanag upang may kalidad ang ating pag-aalaga sa ating kalusugan.
Kapag nagkakaintindihan ang pasyente at ang doktor, mas magiging tama ang impormasyon, pagsusuri, pagbibigay ng gamot, pagpapaliwanag ng mga gagawin upang gumaling.
Hindi natin maikakaila ang halagang ito, lalung-lalo na nung nalaman natin na mali-mali ang datos na ibinibigay sa atin ng Department of Health. Nalaman natin ito sa social media kaya nararapat lamang na ipaglaban natin ang katotohanan, hindi ang pagkakalat ng kasinungalingan sa pagbabalita.
PAGPAPALAGO NG WIKA
Nang dahil sa pandemiya, marami tayong nilikha na mga salita, mahalaga ang kasalukuyang pangyayari sa pagpapalago ng wika. Naging popular ang salitang “pandemiya,” “quarantine,” “social distancing,” “work from home,” at “online learning.” Maaaring galing sila sa Ingles, ngunit, sa ganitong paraan nabubuhay ang wika: hinihiram natin sa ibang kultura kapag wala tayong katumbas na salita, ngunit nagiging pang-atin ito sa patuloy na paggamit—dahil nagkakaroon ito ng panibagong kahulugan o nuance na tayo lang ang nakakaintindi. We Filiipinize the words; ginagawa natin itong atin. Ito ang WIKA NG KASAYSAYAN ngayon. Sige, challenge ko sa inyo: Ano ang QANON?
PAGKAKAUNAWAAN
Mahalaga sa pagkakaunawaan ang pagsasalita sa iba’t ibang wika. Sa panahon ngayon, mahalaga na maunawaan at magamit natin ang mga wikang katutubo, lokal, pambansa o pandaigdig. Ang tunay nating kasarinlan ay hindi maaaring hiwalay sa konteksto: kaya kung mamahalin natin ang ating wika, minamahal din natin ang ating sariling bansa. At kapag nauunawaan natin ang isa’t isa, hindi tayo magkakawatak-watak.
Ang pagkakaisa ang kailangan upang puksain natin ang pandemiyang ito.
May KASAYSAYAN ANG WIKA, kasama sa kasaysayan ng mga tao. Mas naunawaan ko ang mga tubong Mindanao nung natuto akong magsalita ng wikang Bisaya nung na-assign ako sa Cagayan de Oro, at ang Davaoeño, ang Bisaya ng Davao.
May pinanggagalingan ang isang wika.
Mas gumagamit ng mga salitang Tagalog ang taga-Davao, dahil ang karamihan sa taga-Davao ay galing sa Luzon, nguni’t may pagkakaiba: iba ang balarila ng Tagalog sa wikang Davaoeño.
Nawa’y bigyan natin ng nararapat na pagpapahalaga ang wika, hindi lamang tuwing Agosto, ngunit sa ating pang-araw-araw na paggamit nito. Maraming salamat po.