This is the transcript of the video below:
Paano ba tayo mananatili sa pag-ibig ng Diyos? Para sa mabungang-buhay, tayo na po’t magkape’t pandasal.
Madaling simulan at wakasan ang isang pagmamahalan. Ngunit ang pinakamahirap gawin ay ang manatili sa ugnayan na iyon. Wika ni Hesus,
“Katulad ng pag-ibig ng aking Ama sa akin, iniibig ko kayo. Manatili kayo sa aking pag-ibig.”
John 15:9-10
Paano ba natin pananatilihing matatag, malalim at walang maliw ang nagbubuklod sa ating mga pamilya lalung-lalo na sa panahon ng pandemiya? Laging alalahanin na ang unang karanasan natin ng Diyos ay nagsisimula sa pagmamahal sa pamilya.
Mahalaga ang presensiya o presence. Tugunan natin ang kanilang pangangailangang pang-emosyonal dala ng pagkaburyong. Mahirap matugunan sa lockdown ang pangangailangan ng kabataan na makapiling ang kanilang mga kaibigan.
Maging kalma lang tayo lalung-lalo na kapag matindi ang kanilang galit o malubha ang kanilang mga emosyon. Kailangang pawiin ng tubig ang nangangalit na apoy. Makinig ng taimtim sa kanila, bago magbigay ng payo. Madalas na iniisip na natin ang ating sasabihin, bago pa matapos ipahiwatig nila ang kanilang saloobin. Sa halip, marapat na lagumin natin ang kanilang sinasabi upang maramdaman nila ang kanilang halaga.
Kapag laging magkasama, malamang magkakasakitan ang bawat isa. Mahalagang maging ehemplo ng pakikipagkasundo, pasensya at kapatawaran. Inuutos ng Diyos na maging mapagpatawad dahil alam Niya na magkakaroon ng alitan at away habang sinusubukan nating panatilihin ang pagmamahalan natin sa isa’t isa.
Higit sa lahat, mahalagang ipakita natin ang ating pag-ibig sa ating mga anak sa iba’t ibang paraan, tulad ng pagsasalu-salo nang sabay-sabay; pagdarasal nang sabay-sabay; pag-eexercise nang sabay-sabay. Ang ritwal ng pagkakaisa ang nakapagpapatibay sa anumang pagmamahalan.
Manalangin tayo:
O Diyos, laging inaalala namin ang aming mga pamilya’t kaibigan sa panahon ng pandemiya. Marami kaming takot ukol sa kinabukasan nila, lalung-lalo na sa kawalan ng hanapbuhay. Huwag mo kaming pababayaan sa dinadaanan naming hirap. Amen.